http://www.abante-tonite.com/issue/aug1908/news1.htmSa panibagong paglabag ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ceasefire agreement, pinayuhan ni opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gamitin ang ‘Erap formula’ laban sa rebeldeng grupo.
Ayon kay Lacson, mas epektibo ang formula ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada tungo sa hinahanap na kapayapaan sa Mindanao.
Sa panahon ni Estrada, nadurog aniya ang rebeldeng MILF at ipinakita ng dating administrasyon ang pagkakaroon ng ngipin laban sa mga kalaban ng gobyerno.
Ngayong idinamay ng rebeldeng MILF ang mga inosenteng sibilyan, napapanahon na, ayon kay Lacson, na durugin ang separatisang grupo dahil ang pagkakakaroon lamang ng rule of law ang magiging daan sa kapayapaan.
Sa ulat, nilusob kahapon ng mga rebeldeng MILF ang iba’t ibang bayan sa tatlong lalawigan sa Mindanao. Ilang dosenang mga sibilyan umano ang napatay at nasugatan sa paglusob ng mga rebelde sa bayan ng Kolambugan, Bacolod, Maigo, Tubod at Kauswagan sa Lanao del Norte. Inatake rin umano ng MILF ang ilang barangay sa lalawigan ng Sarangani at Sultan Kudarat.
Bilang reaksyon, sinabi ni Lacson na kailangan nang ipakita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP ang pagiging isang bansa laban sa rebeldeng grupo kaya’t pinaka-epektibong gawin ni Mrs. Arroyo ang pagpulbos sa mga ito.
“Napapanahon na para mag ala-Erap si GMA. Ipakita sa mga Pilipino at sa ibang bansa na mayroong rule of law sa Pilipinas. Ipakita na isa lang ang Armed Forces at isang gobyernong malakas at matatag,” ani Lacson.
Kaugnay nito, kung anong pagsuporta ni Lacson sa ‘Erap formula’ mistulang nabahag naman ang buntot ni Sen. Mar Roxas, dating kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) sa panahon ni Estrada.
Direktang kinontra ni Roxas ang ‘all out war’ na unang inilunsad ni Estrada laban sa MILF kung saan nakubkob ng militar ang lahat ng headquarters ng separatisang grupo, kabilang ang Camp Abubakar na isinoli naman ni Mrs. Arroyo matapos mapuwesto sa palasyo.